Benham Rise Media Forum

 

BAGAMA’T may mapa ng nagawa hinggil sa Benham Rise, kakaunti pa lamang ang nababatid ng mga dalubhasa sa Pilipinas, maging sa pamahalaan at pribadong sector kung ano ang mga lihim ng bagong bahagi ng Pilipinas na kakabit ng continental shelf ng bansa.

Ito ang sinabi ni Atty. Jay Batongbacal, isang propesor ng batas sa College of Law ng University of the Philippines at Director ng Institute of Maritime Law at Law of the Sea sa idinaos na “Tapatan sa Aristocrat” kanina. International research organizations ang nakababatid ng basic information hinggil sa Benham Rise at ginamit ang datos nito upang isulong ng Pilipinas ang paghahabol sa pagdedeklara ng bahaging ito ng karagatan bilang parte ng bansa sa ilalim ng UNCLOS.

Nakasama sa unang pagsusuri ang mga halaman at mga isdang matatagpuan sa Benham Bank na may lalim ng 50 metro at may sukat na 17,000 hektarya na kakatiting lamang mula sa 24,000,000 ektarya. Idinagdag pa ni Atty. Batongbacal na nagsisimula pa lamang ang mga pag-aaral ng mga Pilipino sa karagatan. Marami pang pag-aaral na gagawin at kasama ang National Institute of Geological Science. Nagparating din ng interes ang South Korea at Japan na makiisa sa pag-aaral.

Sinabi rin ni Atty. Batongbacal na may ginawa ring pag-aaral ang mga Tsino sa bahaging ito ng karagatan.

Ayon naman kay Bb. Marianne Pan Saniano, isang marine scientist mula sa Oceana, mapalad silang nakalahok sa ginawang pagsusuri ng Benham Bank noong nakalipas na 2016. Nasuri nila ang Benham Bank, ang pinakamababaw na bahagi ng Benham Rise.

Ani Bb. Saniano, may 17,000 ektarya lamang ang Benham Bank at nakasama sila ng mga kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at mga siyentipiko ng University of the Philippines Los Banos. Nakita nila ang patong-patong na bato sa karagatan at iba’t ibang uri ng isda. May lalim itong 50 metro samantalang ang kalakhang bahagi ng Benham Rise ay may lalim na aabot sa 3,000 metro.

Sa panig naman ni Prof. Richard Heydarian, naniniwala siyang kailangang magkaroon ng instalasyon ang Pilipinas sa Benham Rise sa pamamagitan ng pagpapatrolya ng Philippine Navy o Philippine Coast Guard.

Naniniwala siyang mayroong interes ang iba’t ibang bansa sapagkat mayroon kompetisyon sa larangan ng paggamit ng mga submarino. Tanging tatatlong bansa ang may kakayahang maglunsad ng mga sandatang nukleyar sa karagatan at ang mga ito ay ang America, Russia at Tsina.

Estratehiko ang kinalalagyan ng Benham Rise, dagdag pa ni Prof. Heydarian.

Sa panig ni Atty. Batongbacal, ang pangingisdang lampas sa 200 nautical miles exclusive economic zone ay pinapayagan na sapagkat ang mga yamang kinabibilangan ng mga isda ay pag-aari ng sangkatauhan bagama’t may mga ahensyang pandaigdig na sumasaklaw sa mga alituntunin.  (http://filipino.cri.cn/301/2017/04/25/109s149168.htm)

Previous Post
Next Post